Faeldon, dapat kasuhan ng Ombudsman ‘pag napatunayan ang ‘GCTA for sale’- VP spox

Hindi sapat na sinibak lang sa puwesto si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon.

Ayon sa tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, dapat usigin ng Office of the Ombudsman si Faeldon kung mapatunayang totoo ang kalakarang “GCTA (good conduct time allowance) for sale”.

“Ombudsman ‘yan, kasi ginawa niya habang siya ay public officer,” ani Gutierrez nitong Linggo sa “BISErbisying LENI” na lingguhang umeere sa DZXL.


“Kung ito ay totoo na meron talagang nagkaroon ng ‘GCTA for sale’ at ito ay mapapatunayang talagang nangyari, e siyempre hindi naman puwedeng matapos lang ‘yan sa tinanggal sa pwesto. Kailangan talaga ituloy na sa prosecution,” paglilinaw niya.

Nakaraang Miyerkules nang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang posibleng korapsyon sa likod ng pagpapalaya sa mga presong may mabibigat na kaso.

Sa pagdinig naman sa Senado noong Huwebes, tumestigo si Yolanda Camilon na nagbayad siya P50,000 kapalit ng maagang paglabas ng kanyang asawa sa New Bilibid Prison, ngunit hindi pa ito nakalalabas.

Kasunod nito, isiniwalat ni Camilon na nagbayad ng mula P30,000 hanggang P1 milyon ang mga pamilya ng bilanggo para maagang makalaya.

Posibleng reappointment?

“Hindi ito ang unang pagkakataon na si Director Faeldon ay natanggal sa isang pwesto,” ani Gutierrez.

Bago magsilbi sa BuCor, naging chief ng Bureau of Customs si Faeldon na nag-resign noong 2017 matapos ang kontrobersya ng paglusot sa bansa ng P6.4 bilyong shabu.

“Baka mamaya, pagkatapos ng ilang linggo, ilang buwan, eh babalik na naman si Director Faeldon,” ani Gutierrez.

Sa talumpati ni Duterte sa Cebu noong Biyernes, nanindigan ang pangulo na pinagkakatiwalaan niya ang dating BuCor chief.

Facebook Comments