Pinagbibitiw na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bureau Of Corrections (BUCOR) Director General Nicanor Faeldon kasunod ng kontrobersyal sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law kung saan napalaya maging ang mga convicted sa heinous crimes.
Sa kanyang press conference sa Malacañang – sinabi ng pangulo na nagdesisyon siya na sibakin si Faeldon dahil sa pagsuway sa kanyang utos.
Aniya, lahat din ng mga opisyal sa BUCOR ay inaatasang mag-report sa kanya o kay Justice Sec. Menardo Guevarra habang iniimbestigahan at diretso na ang kaso sa Office of the Ombudsman.
Muli naman nilinaw ng Pangulo na hindi sa kanyang termino napagtibay ang GCTA law na kanya na ring ipinasuspinde.
Kasabay nito, ipinagtanggol naman ng Pangulo si Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Giit ng Pangulo – tama ang ginawa ni Panelo na ini-refer ang kaso ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa Board of Pardons and Parole (BPP) kaugnay sa hirit ng pamilya nito na executive clemency.
Malinaw aniya sa kaniya na hindi naman pinakialaman ni Panelo ang BPP sa kanilang desisyon sa kaso ni Sanchez.
Pinayuhan rin ni Duterte ang nasa 1,700 inmates na napalaya matapos makinabang sa GCTA na sumuko at magparehistro sa BUCOR sa loob ng 15 araw.
Kung mabibigo aniya ang mga nasabing nakalayang preso na sumuko, ituturing na silang “fugitive of the law” o mga kriminal at maaari silang mapatay.
Dagdag pa ng Pangulo, handa siyang magbigay ng isang milyong pisong pabuya sa bawat ulo o preso, “dead or alive” kung hindi sila susuko.
Kabilang sa mga pinasusuko ng pangulo ang tatlong napalayang convicted sa rape-slay case sa Chiong sisters.