Manila, Philippines – Tinawanan lang ni Vice President Leni Robredo ang ibinahaging impormasyon sa social media ni dating Davao City Vice Mayor Paolo ‘Pulong’ Duterte tungkol sa umano ay planong pagpapatalsik sa kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte.
Una rito, ibinahagi ni Pulong sa kanyang Facebook post ang listahan ng ilang prominenteng politiko at personalidad na Aniya ay kasama “anti-administration group, oust Duterte movement”.
Ayon kay Robredo – “fake news” ang FB post ni Pulong at hindi nga niya kilala ang ilang pangalan sa listahan.
Aniya, napaka-iresponsable ng ginawang pagpo-post ni Pulong sa social media ng mga impormasyon na wala namang basehan.
Bukod kay Robredo, kabilang din sa listahan si dating Vice President Jejomar Binay, Senior Associate Justice Antonio Carpio, former Chief Justice Hilario Davide, Associate Justice Marvic Leonen, Senadora Leila de Lima, Risa Hontiveros, dating Senador Francisco Tatad at ilan pang opisyal ng gobyerno na kaalyado ni dating pangulo Noynoy Aquino.
Dawit din ang ilang opisyal ng simbahang Katolika, mga retired military officers at general, mga mamamahayag, movement against tyranny, tindig Pilipinas, Makabayan bloc at maging ang mga kumpanya tulad ng Jollibee at PLDT na Umano ay tutol kay Pangulong Duterte.