Manila, Philippines – Iginiit ni Senadora Nancy Binay na paharapin si Presidential Communications Operations Office o PCOO Assistant Secretary Mocha Uson sa pagdinig ukol sa charter change o cha-cha para bigyang daan ang pagpapalit sa porma ng gobyerno patungong federalism.
Rekomendasyon ito ni Senator Binay kay Senator Francis Kiko Pangilinan na syang chairman ng committee on consitutional ammendements and revision of codes na dumidinig sa cha-cha.
Mungkahi ito ni Binay kasunod ng report na itinalaga si Uson bilang lead spokesperson para ipaliwanag sa publiko ang federalism.
Katwiran ni Binay, makabubuting marinig sa pagdinig ng Senado kung paano ilalatag ni Assistant Secretary Uson sa mamamayan ang mahahalagang punto ng federalism at kung paano ito makakatulong sa pagsulong ng bansa.
Ipinunto ni Binay na aabot sa 90-milyong piso ang pondo ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Consultative Committe para sa information campaign kaugnay sa pagpapalit sa porma ng pamahalaan.