Fil-Am na tubong Baler, waging mayor sa New Jersey

Left to right: Councilmen Tom Lodato, Buddy Deauna, Hernando Rivera; Mayor-elect Arvin Amatorio; Councilwoman Ora Kornbluth; Councilman Rafael Marte. PHOTO: Arvin Amatorio Facebook

Dinaig ng Filipino-American immigration lawyer na si Arvin Amatorio ang kasalukuyang alkalde ng Bergenfield, New Jersey sa eleksyon nakaraang Martes.

Lumamang si Amatorio, Democratic council president, ng halos 166 boto, sa kabila ng paninirang-puri ng katunggaling si Norman SchmelZ.

Si Amatorio, 48-anyos at tubong Baler, Quezon ang ikalawang Fil-Am na itinalagang mayor ng Bergenfield, sunod kay Robert Rivas na nagsilbi mula 2000-2002.


Ilang araw bago ang eleksyon, inakusahan ni Schmelz si Amatorio ng paglabag sa anti-trafficking law matapos maging immigration lawyer ng isa umanong human trafficker.

Gayunpaman, balak kasuhan ng kampo ni Amatorio ng paninirang-puri si Schmelz.

Nagpaabot naman ng pagbati sa pagkapanalo ni Amatorio si Phil Murphy, gobernador ng New Jersey, sa isang post sa Twitter.

Wagi rin sa eleksyon si Salvador Deauna, isa ring Filipino-American na nanatiling councilman.

Mahigit 5,000 Pinoy ang nasa 27,000 populasyon ng Bergenfield.

Opisyal na magsisimula ang termino ni Amatorio sa Enero 2020.

Facebook Comments