Filipino Community sa Cambodia, nakasama ng ilang oras ni PBBM

Nakipagkita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Filipino Community dito sa Phnom Penh, Cambodia.

Nasa 500 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nag-abang kay Pangulong Marcos Jr., sa Hyatt Hotel sa Phnom Penh, Cambodia.

Pagpasok pa lamang sa venue ni Pangulong Marcos Jr., ay nagsisigawan at iwinagayway ng mga Pilipino ang kanilang hawak na Philippine Flag.


Bago ang mensahe ng pangulo ay nag-perform ang ilang mga Filipino, may sumayaw, may kumanta na ikinatuwa ni Pangulong Marcos Jr.

Sa mensahe ng pangulo sa Filipino community sa Cambodia, sinabi nito na bagama’t kaliwa’t kanan ang kaniyang naging pagpupulong sa ginanap na ASEAN Summit at related summits ay hindi pwedeng hindi siya makipagkita sa Filipino community dito sa Phnom Penh, Cambodia.

Ito aniya ang kaniyang paraan para magpasalamat sa mga Pilipino sa abroad partikular sa Cambodia sa pagboto sa kaniya sa nakaraang National at local election.

Samantala, sa ulat ng Cambodia Consulate, mayroong mahigit 5,000 mga Pilipino ang nakatira at nagtatrabaho sa Cambodia.

Karamihan ng mga Pilipino rito ay nagtatrabaho bilang English teacher, supervisor ng clothing factories at mga casino.

Facebook Comments