Filipino fishing boat, posible na hindi sinadyang banggain at hindi rin pinalubog ng Chinese vessel

Ibinahagi ni Senate President Tito Sotto III sa media ang opinyon ng isang Coast guard expert kaugnay sa pagbangga ng isang Chinese vessel sa Filipino fishing boat sa Recto Bank noong June 9.

Ayon sa Coast guard expert, nabangga ang fishing boat sa bandang likuran, kung ito ay sinadyang banggain, dapat ay sa tagiliran.

Sabi pa ng coast guard expert, hindi rin matiyak kung nakailaw ang mast light nito dahil kadalasang hindi na nagiilaw ang mga maliliit na fishing boat lalo na sa bahagi ng karagatan na wala naman maritime traffic.


Ipinunto pa ng coast guard expert na ang pagbangga ng boom ng Chinese vessel sa mast ng Filipino fishing boat ay isang indikasyon na napansin lang ito ng Chinese vessel ng silang dalawa ay magkalapit na.

Yan marahil ang dahilan kaya pumihit ng todo pakanan o pakaliwa ang Chinese vessel.

Ipinaliwanag ni Sotto na base sa opinyon ng Coast guard expert ay kritikal na malaman kung naka-on ang masthead light ng Filipino fishing boat, dahil kung oo ay maaring isipin na sinadya nga ang pagbangga.

Umaasa si Sotto na mayroong satellite photo hinggil dito.

Gayunpaman, iginiit ni Sotto, hindi nito mabubura ang walang pusong pag-abandona ng Chinese vessel sa 22 pilipinong mangingisda sa karagatan.

Facebook Comments