Filipino Identification System, pasado na sa Kamara.; MAKABAYAN, nangangamba na maabuso at magamit sa karahasan ang National ID

Manila, Philippines – Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill 6221 o ang Filipino Identification System.

Sa ilalim ng National ID System ay obligado na ang lahat ng mga Pilipino na may edad 18 pataas na magkaroon ng iisang identification card na gagamitin sa lahat ng transaksyon sa gobyerno at gagamitin para makakuha ng serbisyo mula sa pamahalaan.

Nakasaad sa ID ang lahat ng personal na impormasyon ng bawat Pilipino sa bansa.


Sa unang aplikasyon ng ID ay libre ito pero kapag nawala o kumuha sa ikalawang pagkakataon, ito ay babayaran na.

Tiniyak naman na ang national ID ay tamper proof upang hindi magagaya o mananakaw ang mga pangunahing impormasyon.

Pero mariing tinututulan pa rin ito ng MAKABAYAN sa Kamara dahil maaari itong maabuso.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, maaaring gamitin lamang ito ng gobyerno para sa surveillance at monitoring sa mga kritiko at kalaban ng pamahalaan.

Giit ng MAKABAYAN, ang mas kailangan ay pondohan ang mga pangunahing serbisyo sa bansa at gawing accessible para sa lahat ng mga Pilipino.

Facebook Comments