Kasabay naman ng Fire Prevention Month ngayong Marso ang mahigpit na paalala ng mga kinauukulan na mag-ingat at maging alerto kung sakaling makapagtala ng sunog.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay BFP Regional Director SSUPT. Rizalde Castro, umakyat sa 312 ang bilang ng naitalang insidente ng sunog sa nakalipas na taon kung ikukumpara sa taong 2020 na nakapagtala lamang ng 228.
Mula sa kabuuang 312, nasa 158 ang naitalang residential fire incident o mga kabahayan na nasunog.
Ayon pa kay Castro, maiiwasan naman ang pagkakaroon ng sunog kung pag-ibayuhin ng publiko ang kanilang kahandaan.
Ipinunto pa ni Castro na isa sa kanilang prayoridad ang makapagsalba ng buhay gayundin ang maapula ang sunog upang hindi na kumalat pa at makapaminsala ng mga ari-arian.
Samantala, lumalabas sa kanilang datos na problema sa electrical wiring ang kadalasang sanhi ng sunog sa mga kabahayan kaya’t paalala sa publiko na tiyakin na hindi naiwang nakasaksak ang anumang uri ng appliances kung aalis ng bahay.
Hinimok rin nito ang publiko na alamin ang mga hotline ng lahat ng BFP stations sa kanilang mga nasasakupang bayan o siyudad para agad na maitawag ang anumang uri ng sunog at makapagresponde ng mabilis.