Fish Kill, Naranasan sa isang Barangay ng Maddela, Quirino; Kahalagahan ng Pag-aalaga, Ipinaalala

Cauayan City, Isabela-Nalungkot si Barangay Captain Frederick Jacinto ng Sto. Tomas, Maddela, Quirino matapos maranasan ang fish kill sa kanyang palaisdaan.

Sa panayam 98.5 iFM Cauayan kay Municipal Agriculturist Jovencio Salvador ng LGU Maddela, posibleng dahil sa pabago-bagong temperatura ang naging sanhi ng pagkamatay ng mga isda at ang posible rin umanong kawalan ng oxygen o hangin ng mga isda.

Tinitingnan rin ang anggulo na ‘over population’ ang mga isda sa fishpond ni Jacinto na hindi akma sa land area nito para alagaan.


Ayon sa kanya, limang (5) piraso ng fingerlings kada square meter ang dapat alagaan at tiyakin rin umano kung akma ang sukat ng lupain para sa pag-aalaga ng isda.

Bagama’t may natira pa sa mga isda ay mas marami pa rin umano ang namatay dahil sa fish kill.

Samantala, pagkakalooban naman ng Municipal Agriculture Office ng fingerlings si Jacinto para makabawi sa nangyaring fish kill sa kanyang palaisdaan.

Giit pa ni Salvador, tiyakin rin na dapat na sakto lang ang mga pinapakain sa mga alagang isda.

Patuloy naman ang ginagawang pagsusuri ng tanggapan sa nangyaring fish kill at inaalam rin ang halaga ng mga damage sa palaisdaan ng kapitan.

Nagpaalala naman si Salvador na siguraduhin rin umano na malinis ang paligid ng palaisdaan dahil isang factor rin na kapag na-decompose ang mga damo sa paligid nito at mahalo sa tubig ay nagiging sanhi ito ng toxic substance na posibleng ikamatay rin ng mga isda.

Facebook Comments