Fixed validity period para sa lisensya ng mga baril, aprubado sa ikalawang pagbasa

Nakalusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na nagsusulong ng “fixed validity period” ng lisensya ng mga baril.

Sa viva voce voting, inaprubahan ang House Bill 10610 na layong amyendahan ang ilang probisyon ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Layunin ng panukala na magkaroon ng streamlining sa registration at renewal ng mga armas, at mahimok ang pagpaparehistro upang mabawasan ang pagkalat ng mga loose firearms.


Kapag naging ganap na batas, itatakda sa lima hanggang sampung taon ang bisa ng “License to Own and Possess Firearm”.

Samantala, ang “Permit to Carry Outside of Residence or Place of Business” naman ay may bisa na hanggang dalawang taon, mula sa petsa ng pagkaka-apruba ng aplikasyon, maliban na lamang kung binawi o sinuspinde.

Pinapayagan din ang pagdadala ng armas “upon approval” o may pag-apruba ng Philippine National Police o PNP lalo na kung ang isang indibidwal, kabilang ang elected officials ay may banta sa kanilang buhay.

Isinusulong din ang pagkakaroon ng iisang card kung saan naroon ang lisensya at firearm registration.

Facebook Comments