FO1 ng BFP Isabela na Nahuli sa Buybust, Dati nang Sangkot sa Droga

Cauayan City, Isabela- Pangalawang beses nang nahuli sa illegal na droga ang isang Fire Officer 1 ng Bureau of Fire Protection (BFP) Isabela Provincial Office.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Fire Superintendent Paul Diaz, provincial Fire Marshall ng BFP Isabela, kanyang sinabi na nakakahiya at nakakalungkot ang pagkakasangkot sa droga at pagkahuli ng isa nilang kasama na si FO1 Karl Bryan Ballesteros, 33 taong gulang, may-asawa at residente ng barangay Ipil, Echague, Isabela.

Dating nakatalaga sa BFP San Mateo ang suspek subalit kalauna’y inilipat sa BFP Provincial Office noong buwan ng Abril at muli nanaman itong inilipat noong buwan ng Hulyo sa Caquilingan Quarantine Control Point sa bayan ng Cordon.


Sinabi ni Fire Supt. Diaz, una nang nahulihan ng illegal na droga ang suspek noong buwan ng Abril sa bayan ng Alicia at habang hinihintay ang kanyang kaso ay itinalaga muna ito bilang frontliner sa Quarantine Control Point sa bayan ng Cordon.

Ayon pa kay FiRE Supt Diaz, apat na taon pa lamang sa serbisyo si FO1 Ballesteros at ngayon lamang aniya siya nagkaroon ng kasama na sangkot sa illegal na droga.

Hindi naman aniya ito nagkulang sa pagpapaalala sa mahigit 400 na BFP Personnel sa Lalawigan dahil madalas aniya ang kanyang pagbibigay mensahe sa mga ito sa tuwing siya ay bumibisita.

Gayunman, mainam na aniya na nahuli sa drug buybust operation ang suspek upang hindi na pamarisan ng iba.

Kaugnay nito, irerekomenda ni Fire Superintendent Diaz sa kanilang bagong Regional Director na dapat magsagawa ng surprise random drug test sa lahat ng BFP Personnel sa rehiyon dos.

Facebook Comments