Food Safety Advocates, Wagi bilang Outstanding Public Officials and Employees sa buong Cagayan Valley

Cauayan City, Isabela- Kinilala ang adbokasiya ng ilang kababaihan mula sa Department of Agriculture (DA) region 2 sa pagpapaigting ng food safety makaraang hirangin na regional winner bilang Most Outstanding Public Officials and Employees ng Civil Service Commission (CSC) region 2.

Wagi ang ilang opisyal ng DA na kinilalang sina Regional Technical Director Rose Mary G. Aquino, Minda Flor Aquino, Remedios Dela Rosa, Maria Rosario Paccarangan at Herlinda Tulauan sa pagsusulong sa mas maigting na implementasyon ng Republic Act 10611 o mas kilala bilang Food Safety Act of 2013 sa Lambak ng Cagayan.

Matatandaang nagsagawa ng pag-aaral ang grupo sa lebel ng pesticide residue ng mga gulay sa rehiyon gamit ang colorimetric Rapid Test Kit (RTK).


Batay sa resulta, 92.7% ng mga gulay mula sa iba’t-ibang market outlets at on-farm samples ang positibo sa Carbamate (CBM) pesticide residues na karaniwang ginagamit ng mga magsasaka na may moderate to high toxicity.

Walumpu’t apat na bahagdan mula rito ay lumampas sa Maximum Residue Limits (MRLs) o ang pinakamataas na pesticide residue level sa pagkain o feeds.

Dahil dito, kanilang isinulong ang pagpapaigting sa paggamit ng Biological Control Agents (BCAs) o ang mga natural na kaaway ng mga peste, Good Agricultural Practices (GAP), Food Safety Awareness, pamamahagi ng RTKs sa mga vegetable growers’ association at paglalagay ng pesticide-safe sticker na hugis puso sa mga gulay na pumasa sa MRL.

Iba’t-ibang resolusyon ang inilatag ng Regional Agriculture and Fisheries Council (RAFC), Santiago City Vegetable Growers and Marketing Cooperative maging ang lokal na pamahalaan ng Santiago City at Tuguegarao City bilang pagsuporta sa grupo sa pagsusulong ng Food Safety.

Sa ngayon, katuwang ng Santiago City Vegetable Growers and Marketing Cooperative ang Simimbaan, Roxas Farmers Association sa pagsusuplay ng pesticide-safe na gulay sa Isabela at mga karatig na probinsiya.

Ang Food Safety Advocates ay isa sa 11 na hinirang na regional winners na magiging pambato ng Rehiyon Dos para sa 2020 National Search for the Most Outstanding Public Officials and Employees.

Facebook Comments