Isinagawa ang iba’t ibang health education activities noong Oktubre bilang bahagi ng Food Safety Awareness Month at Global Handwashing Day na isinusulong ng Department of Health o DOH.
Sa Balaoan District Hospital, nagsagawa ng talakayan tungkol sa limang simpleng paraan ng food safety noong Oktubre 5 at 26 para sa mga empleyado at pasyente.
Tampok din dito ang demonstrasyon ng tamang paghuhugas ng kamay upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon.
Samantala, nagsagawa naman ng komprehensibong oryentasyon ang Bacnotan District Hospital noong Oktubre 28 na dinaluhan ng mga food vendor, nutritionist-dietitians, dietary staff, at institutional workers.
Kabilang sa mga tinalakay ang ligtas na paghahanda at paghawak ng pagkain, basic principles ng Hazard Analysis and Critical Control Points o HACCP, at wastong segregation at pagtatapon ng basura.
Binigyang-diin din ang mga hakbang sa pagbabawas ng basura at mga parusang maaaring ipataw sa mga lalabag sa umiiral na regulasyon.
Sa pamamagitan nito, layon ng mga ospital na mapalawak ang kaalaman at disiplina ng mga food handler at komunidad upang matiyak na malinis, ligtas, at protektado ang pagkaing inihahain sa publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






