Nadagdagan pa ng anim na bansa ang listahan ng mga bansang sakop ng travel restrictions para mapigilang makapasok sa Pilipinas ang bagong variant ng COVID-19.
Ito ay alinsunod sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kabilang na sa travel restrictions ang mga bansang: Portugal; India; Finland; Norway; Jordan; at Brazil.
Ang mga banyagang biyaherong manggagaling sa mga nasabing bansa ay bawal munang pumasok sa Pilipinas simula bukas, January 8, alas-12:01 ng madaling araw, oras sa Pilipinas.
Ang mga darating bago ang alas-12:01 ng madaling araw ay papayagang pumasok sa bansa pero sasailalim sa 14-day mandatory quarantine ano pa man ang resulta ng kanilang test.
Magtatagal ang travel restrictions hanggang January 15, 2021.
Hindi kasama sa travel restrictions ang mga returning Filipinos, foreign diplomats at dignitaries pero sasailalim sila sa COVID-19 testing at 14-day facility-based quarantine.