Nakapagtala ng ilang insidente ng sunog ang kabundukang bahagi ng Maples River na matatagpuan sa kahabaan ng mga Brgy. Bayaoas, Pogonsili, Buer at Laoag, sa bayan ng Aguilar, Pangasinan.
Ayon sa liham na ipinadala ng Department of Environment and Natural Resources o DENR sa opisyal ng barangay, inaasahan na dadagsain ang pook-pasyalan ng mga turista at bisita lalo ngayong nararanasan pa ang mainit na panahon.
Kapansin-pansin din umano ang mga nagkalat na mga basura sa kahabaan ng ilog na iniiwan ng mga bumibisita.
Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Brgy. Bayaos SK Chairman Kristine Tandoc, bago pa umano ang muling pag-iisyu ng temporary closure ng Maples River, ay nauna nang isinara ito dahil naman sa ilang insidente ng pagkalunod.
Bagamat may umiiral na kautusan, patuloy pa ring dinadagsa ang destinasyon ng mga Pangasinense at mga turista na mula pa sa ibang lugar.
Paalala ng ahensya ang pag-aalaga at pagprotekta sa kalikasan sa pamamagitan ng disiplinadong pagtungo sa mga ganitong pook-pasyalan.
Iminungkahi naman ilang mga nagbabantay na mga kawani sa kailugan ang kooperasyon at pagtalima sa mga ibinabang kautusan.
Isa ang Maples River sa mga pook-pasyalan sa bayan ng Aguilar at sa buong lalawigan ng Pangasinan na higit dinarayo dahil sa taglay nitong kagandahan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨