
Pinayuhan ni Senator Sherwin Gatchalian ang mga ahensiya ng gobyerno na huwag balewalain ang posibilidad na magka-data breach ang database ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ito’y kahit pa nilinaw ng PCSO na fake news ang ulat na nakompromiso ng mga hackers ang impormasyon ng mga lotto winners.
Ayon kay Gatchalian, panahon na para palakasin ang cybersecurity infrastructure ng mga ahensiya ng gobyerno lalo pa’t tinatarget din ang mga ito ng cyberattacks.
Hindi dapat ito balewalain ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at kailangang mapanatili ang pagiging alerto at transparency para matugunan agad ang mga ganitong banta.
Nanawagan ang mambabatas sa lahat ng ahensiya na makipagtulungan sa DICT at sa National Privacy Commission para sa pagsasagawa ng regular na security audits, pagpapatupad ng mahigpit na data protection protocols at pagsasaayos ng cybersecurity training sa mga tauhan.