Foundling Welfare Act, aprubado na sa ikalawang pagbasa  

Pasado na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 7679 o ang Foundling Welfare Act. 

Sa viva voce voting ay nakalusot ang panukala na layong isulong ang interes at karapatan ng mga inabandunang bata at kilalanin ang mga ito bilang ‘natural born’ Filipino. 

Sa oras na maging ganap na batas, agad na kikilalanin na natural-born citizen ng bansa ang mga foundling na matatagpuan sa mga ampunan at iba pang charitable o government institutions kahit iyong mga batang sumasailalim pa sa proseso ng pag-aampon. 


Mahaharap naman sa mabigat na parusa tulad ng pagkakabilanggo ng hanggang anim na taon o multang P200,000 hanggang P1 milyon ang sinumang indibidwal na magdi-discriminate o magkakait sa kanilang mga karapatan tulad sa edukasyon, trabaho, mga serbisyo at iba pa. 

Bukod dito, ang sinumang tao na maghahain ng malisyosong reklamo sa mga foundling para makapanakit, at mang-discriminate ay pagbabayarin naman ng multa na P1 million hanggang P5 million, at mabibilanggo ng tatlong buwan hanggang dalawang taon.  

Mababatid na pinuna ng may-akda ng panukala na si Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong ang kasalukuyang batas kung saan kinakailangan pang magpakita ng patunay ang isang ‘foundling’ ng blood relation nito sa isang Pilipinong magulang bago maikunsidera at kilalaning natural-born citizen ng bansa. 

Facebook Comments