Free ride para sa mga nakatanggap ng unang dose at mga fully vaccinated, alok sa mga pasahero ng tren

Libre nang makakasakay sa Metro Rail Transit 3 (MRT-3), Light Rail Transit 2 (LRT-2) at sa Philippine National Railways (PNR) ang mga Authorized Persons Outside of Residence (APOR) na nakatanggap na ng unang dose o nakakumpleto na ng bakuna o yung mga fully vaccinated.

Sa inilabas na abiso ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, magsisimula ito ngayong araw hanggang sa ika-20 ng Agosto 2021.

Upang maka-avail ng libreng pamasahe, kinakailangan lamang na iprisinta ng mga APOR ang kanilang vaccination cards bilang patunay na sila ay nakatanggap na ng bakuna.


Magbibigay naman ang Philippine Ports Authority (PPA), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at Manila International Airport Authority (MIAA) ng libreng kape, tubig at snacks para sa mga vaccinated persons na naghihintay ng kanilang biyahe sa mga pantalan at paliparan.

Maliban sa mga istasyon ng tren, sinabi rin ni Tugade na kamakailan ay napapayag ang PITX na i-waive ang terminal fee na sinisingil sa mga bus na nagsimula na kahapon.

Ang inisyatibo ay desisyon ng buong DOTr upang makatulong sa pagpapanatili ng kalusugan at kaligtasan ng mga Pilipino.

Facebook Comments