FREEDOM OF INFORMATION ORDINANCE, ISUSULONG SA SAN MATEO, ISABELA!

*San Mateo, Isabela- Matapos masupalpal sa unang salang, nakatakdang ipagtanggol ngayong araw ni SB Member Jonatahn “Neil” Galapon ang inakdahan nitong Freedom of Information ordinance sa bayan ng San Mateo, Isabela.

Ayon kay SB Galapon, nakahanda siyang ipagtanggol sa harap ng kanyang kapwa kasapi ng Sangguniang bayan ang kanyang panukalang ordinansa.

Layunin nito na magkaroon ng access sa media at sa mamamayan ang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) at iba pang impormasyon na maaring makatulong sa mga mamamayan ng kanilang bayan.


Nilinaw ng konsehal na naiintindihan niya ang sintemiyento ng iba tulad ng personal na impormasyon o seguridad pero tiniyak nito na hindi aabot sa puntong maikumpromiso ang mga ito lalo na ang seguridad ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng San Mateo.

Idinagdag ni SB Galapon na mas mainam kung may access ang mga mamamahayag sa mga pampublikong impormasyon para magkaroon sila ng katulungang mailapit sa kanilang mamamayan ang iba pang serbisyo at makakatulong sa kanila para mas madaling maipaliwanag ang mga ito sa tao.

Tiniyak pa ng konsehal na ang paglalabas ng SALN ng mga kawani ng kanilang mga pamahalaan ay hindi magagamit laban sa kanila bagkus, magsisilbi itong sandata para mas maging transparent at maiwasang ang anumang haka-haka laban sa mga kawani ng lokal na pamahalaan ng San Mateo. Ito umano ang magpapatunay na sila ay naglilingkod at hindi nangungurakot.

Iginiit ni Galapon na bagamat butata siya sa unang pagsalang dahil hindi niya nasagot ang ilang katanungan ng kanyang mga kasamahan ay hindi siya titigil hangga’t di niya nakukumbinsi ang ilang kasapi ng konseho.

Pagtatapos pa ng konsehal, magsisilbing libro ang ordinansang ito sa mga susunod na magsisilbi sa kanilang bayan at legacy nilang mga kasalukuyang nasa konseho.

Facebook Comments