Tuesday, March 10, 2026

Frontline Services ng PhilHealth, Tuloy-tuloy sa Gitna ng Pagpapatupad ng Energy Conservation Measures

Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga miyembro nito na mananatiling bukas ang lahat ng frontline at hospital-based services ng ahensya sa loob ng limang araw sa isang linggo. Ito ay sa kabila ng pagpapatupad ng compressed onsite schedule para sa administrative at back-office staff simula sa Marso 9, 2026.

Ayon sa PhilHealth ang mga sumusunod na serbisyo ay mananatiling fully operational mula Lunes hanggang Biyernes:

  1. PhilHealth CARES Nurses at P-Malasakit personnel sa mga ospital.
  2. Local Health Insurance Offices (LHIOs), PhilHealth Business Centers, Satellite Offices, at Hospital Desks.
  3. Claims Processing (Benefit Administration Section) at Information Technology (IT).
  4. Legal at Field Operations.

Binigyang-diin ng PhilHealth na bagama’t naka-compressed schedule ang mga admin personnel, maaari pa rin silang makontak tuwing Biyernes para sa mga mahalaga at madaliang pangangailangan o katanungan ng mga miyembro.

Ang pagbabago sa work schedule ay bahagi ng pambansang kampanya sa pagtitipid ng enerhiya dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa mundo. Ito ay pagsunod sa Malacañang Memorandum Circular No. 114, na nag-aatas sa mga ahensya ng gobyerno na magpatupad ng flexible work arrangements upang mabawasan ang paggamit ng kuryente at gasolina ng 10 hanggang 20 porsyento.

Ayon kay PhilHealth President and CEO Dr. Edwin M. Mercado, hindi matitinag ang kanilang dedikasyon sa paglilingkod sa kabila ng mga adjustment na ito. “Ang bagong schedule na ito ay dapat magresulta sa mas maayos at mas nakatutok na serbisyo.” Dagdag pa niya na “Ang mga digital portal at frontline desk ng PhilHealth ay maaasahan ng ating mga kababayan”.

Reference:
Dr. Israel Francis A. Pargas Spokesperson, PhilHealth

Facebook Comments