Friday, March 6, 2026

Full hearing sa impeachment complaints laban kay VP Duterte, posibleng umarangkada pagkatapos ng holy week

Target ng House Committee on Justice na pagkatapos ng Holy Week ay masimulan na ang full hearing para idetermina kung may probable cause ang dalawang verified impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa chairperson ng komite na si Batangas Rep. Gerville Luistro, posibleng sa loob ng dalawang buwan ay matapos nila ang pagdinig.

Binanggit ni Luistro na magmimistulang mini-trial ito dahil ipiprisinta na ang mga testigo, mga affidavits o sinumpaang salaysay , mga dokumento at iba pang mga ebidensya para sa mga alegasyon laban kay VP sara na nakapaloob sa impeachment complaints.

Nilinaw naman ni Luistro na hindi oobligahin ang ikalawang pangulo na dumalo sa mga pagdinig.

Naniniwala naman si Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na hindi na aabot sa sine die adjournment sa Hunyo ang impeachment proceedings dahil kailangan nila itong tapusin sa loob ng animnapung session days.

Bunsod nito ay sinabi ni Ridon na posibleng sa Mayo ay mapagbobotohan na sa committee level para sa impeachment na susundan ng pag-akyat nito sa plenaryo.

Sabi ni Luistro sa ngayon ay nasa step three of five na ang House Committee on Justice kung saan lahat ng mga dokumento ay umaandar dahil magpapalitan ng pleadings ang complainant at depensa.

Naisilbi na ng Justice panel ang notice sa Office of the Vice President.

Kapag sumagot si VP Duterte sa loob ng sampung araw ay bibigyan ng kopya ang mga complainants upang makapaghain ng kanilang reply sa loob ng tatlong araw.

Bibigyang din si Duterte ng kopya ng kanilang magiging reply at mayroon syang tatlong araw para maghain ng rejoinder.

Facebook Comments