‘Gagamutin ko na ‘yung sarili ko’: OFW, ibinahagi ang kalagayan matapos masugatan sa pagsabog sa Beirut

(Ursula Guira Facebook)

Dahil sa dami ng mga pasyente sa mga ospital sa Beirut, Lebanon, nagpasya ang isang Filipina domestic helper na gamutin ang kanyang sarili.

Ibinahagi ng overseas Filipino worker (OFW) na si Ursula Guira sa kanyang Facebook live ang kalagayan matapos magtamo ng sugat sa ilang bahagi ng katawan dahil sa tindi ng pagsabog noong Martes ng gabi.

Sa report ng The Filipino Times, bagama’t higit isang milya ang layo ng tinutuluyan ni Guira mula sa pinagmulan ng pagsabog, napinsala pa rin ang ilang bahagi ng bahay ng kanyang amo, at ang mga basag na salamin mula sa bintana ang siya umanong nakasugat sa kanya.


Dalawang oras matapos ang insidente ay mapapanood sa Facebook nito na tila nakabenda ang kaliwang parte ng kanyang ulo, habang ginagamot ang sugat sa kanyang mukha.

(BABALA: MASELANG VIDEO)

Bakas ang tindi ng tama dahil ang iba rito ay makikitang nagdurugo pa.

Maging ang kanyang braso ay nagtamo ng matinding pinsala na aniya’y nabitak dahil sa tindi ng impact ng pagyanig.

Nang tumawag sa kanya ang isang staff mula sa Philippine Embassy sa Beirut, ipinaliwanag nito kung bakit wala siya sa ospital.

Saad niya, “Actually hindi nila ako pinauwi. Pero sa dami ng tao sa ospital, ako ‘yung umuwi.”

Kita raw kasi niya ang sitwasyon at ramdam na hindi siya maaasikaso dahil sa dami ng tao sa ospital.

” So ang choice ko na lang ay umuwi nalang dito kasi may gamot naman dito. Gagamutin ko na ‘yung sarili ko kasi nga malakas yun tagas ng ulo ko,” dagdag niya.

Nasaksihan daw niya ang hirap ng mga staff ng ospital na gamutin ang libo-libong sugatang pasyente.

“Hindi ko pa nakikita ngayon ‘yung ulo ko. Ayaw kong tingnan. Pero as of now, okay lang siguro ako.”

Masakit lang daw ang kanyang ulo dahil sa dami ng bukol na tinamo.

Samantala, ibinahagi rin ni Guira na noo’y inaasikaso na ng embassy ang pagpapagamot sa kanya.

Nagpasalamat ito sa mga taong nagdasal at nagpadala umano ng mensahe para kamustahin ang kanyang kalagayan.

Samantala, matapos ang insidente ay nagbaba ng lockdown ang Lebanese government.

Kaugnay nito, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkoles na dalawang Pilipino ang nasawi habang anim ang sugatan sa nangyaring pagyanig.

Ayon naman sa gobyerno, pauuwiin nila ang mga OFW na gustong umuwi matapos ang nangyaring insidente.

Facebook Comments