
Tuloy sa pamamayagpag ang Petro Gazz Angels sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Ito ay makaraan ilampaso ng Petro Gazz Angels ang Galeries Highrisers sa scores na 25-18, 25-18, 25-22 sa kanilang pagtatapat kahapon sa Ynares Center, Antipolo City.
Dahil diyan, gumanda pa sa walong sunod na panalo ang kartada ng Angels.
Habang lalo namang nalugmok ang Highrisers na may 1-9 nang record.
Naging sandalan ng Angels sa opensa ang duo nina Myla Pablo at Van Sickle na nagtala ng 17 at 15 points.
Kahit talo, nakakuha naman ng 12 points sa 11 attacks si Jho Maraguinot para sa Highrisers.
Samantala, may tig-isa pang laro na natitira ang dalawang koponan sa preliminary round.
Susubukan ng Petro Gazz na mapalawig pa sa 9 ang kanilang panalo sa laban kontra NXLED Chameleons habang ang Creamline naman ang makakatapat ng Galeries.
Gaganapin ang dalawang laro sa PhilSports Arena sa Huwebes.