Gastos ng NGCP sa ads at entertainment, hinihinalang naipasa sa mga electric consumers

Sa pagdinig ng Committee on Energy na pinamumunuan ni Senator Win Gatchalian ay kinuswestyon ni Senator Risa Hontiveros ang milyon-milyong pisong gastos ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP sa mga advertisements at entertainment.

Isiniwalat ni Hontiveros na gumastos ang NGCP ng ₱369 milyon sa representation at entertainment noong 2017 at 2018, habang ₱79 milyon ay ginugol para sa advertising sa parehong mga taon.

May hinala si Hontiveros na naipapasa sa electric consumers ang nasabing mga gastos kahit hindi ito kritikal sa power transmission operations.


Binigyang-diin ni Hontiveros na habang ang NGCP ay gumastos ng malaki sa mga ads at entertainment ay naging pabaya naman ito sa pagpapa-apruba sa transmission development plan at bigo ring maayos na maisagawa ang mga proyekto para mapaunlad ang grid.

Sa Senate hearing ay sinabi naman ni NGCP Spokesperson Atty. Cynthia Alabanza na unang pagkakataon niyang nakita ang sinasabi ni Hontiveros kaya pag-aaralan muna niya ito.

Tiniyak naman ni Alabanza na responsable ang NGCP sa paggastos dahil regulated ng pamahalaan ang kanilang paggasta at mayroon din silang corporate social responsibility projects sa palibot ng kanilang mga power grid.

Facebook Comments