GASTUSIN PARA SA OUTPATIENT EMERGENCY CASES, SAKOP NA NG PHILHEALTH

CAUAYAN CITY – Saklaw na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga gastusin para sa outpatient emergency cases sa lahat ng ospital mula Level 1 hanggang Level 3 sa buong bansa.

Ayon sa anunsyo ng ahensya, kabilang na ngayon ang mga outpatient emergency case sa Facility-Based Emergency (FBE) benefit sa ilalim ng Outpatient Emergency Care Benefit (OECB) package ng PhilHealth.

Dagdag pa ng PhilHealth, awtomatikong kasali na ang mga ospital na may accreditation sa FBE benefits, kaya’t hindi na kinakailangan ng hiwalay na accreditation para dito.

Gayunpaman, ipinaalala ng ahensya na kailangang magsumite ng certification ang mga ospital sa kanilang mga PhilHealth Regional Offices, na naglalaman ng pangalan at kumpletong address ng pasilidad.

Ang bagong patakarang ito ay inilunsad bilang tugon sa tumataas na pangangailangan ng mga Pilipino para sa emergency medical services, lalo na sa mga kaso na hindi nangangailangan ng pagpapasok sa ospital.

Facebook Comments