Gatchalian, humihingi ng danyos sa kasong sibil na isinampa laban kay dating Energy Secretary Cusi

Humihingi ng danyos si Senador Win Gatchalian na aabot sa P16 milyon sa kasong sibil na isinampa niya laban kay dating Energy Secretary Alfonso Cusi.

Si Cusi ay pinangalanang akusado sa isang civil complaint sa ilalim ng Civil Case No. 24-V-23 na inihain ni Gatchalian sa Regional Trial Court ng Valenzuela City Branch 282.

Nag-ugat ang kaso sa isang pahayag noon na inilabas ni Cusi at ipinost sa website ng Department of Energy (DEO) na malinaw na mapanirang-puri at layong nagdudulot lamang ng kasiraan sa posisyon ni Gatchalian bilang Senador at higit sa lahat, sa kanyang integridad bilang isang lingkod bayan.


Si Gatchalian ay humihingi ng P10 milyon bilang moral damages, P5 milyon bilang exemplary damages at P1 milyon para sa attorney’s fees.

Ang mapanirang puring pahayag ni Cusi ay kasunod ng pagpapatibay ng Senate Resolution 137 na nagpapahayag ng “Sense of the Senate” sa rekomendasyong sampahan ng naaangkop na kriminal at administratibong mga kaso sina Cusi at iba pang opisyal ng DOE sa Office of the Ombudsman at Civil Service Commission (CSC).

Ang rekomendasyon ay nagmula sa serye ng mga pagdinig sa Senado na isinagawa ng Committee on Energy, na pinamumunuan noon ni Gatchalian, kaugnay sa paglipat ng 45% na participating interest ng Chevron Philippines sa Chevron Malampaya sa UC Malampaya, na dating pag-aari ng negosyante at Duterte associate na si Dennis Uy.

Ang pahayag ng nasasakdal ay nagpapahiwatig na ang imbestigasyon ng Senado ay may masamang intensyon at lubhang pamumulitika lamang kung saan ang mga paratang at bintang ni Cusi ay nagdulot ng paninirang-puri sa imbestigasyon ng Senate Committee on Energy at nagpapahiwatig na ang pagdinig ay hindi lohikal at makatwiran lalo na noong sinabi niya na ang pagdinig ay batay lamang sa mga patutsada at ispekulasyon na pinapalaganap ng mga taong may interes sa negosyo, ayon sa nakasaad sa reklamo ni Gatchalian.

Nakalagay pa sa reklamo na ang mga salitang ginamit ng nasasakdal sa kanyang opisyal na pahayag ay mapanirang-puri, hindi patas, at may malisyosong intensyon na nagmamaliit sa mga tungkulin ng DOE.

Facebook Comments