Sa katatapos na Peace Convention sa bayan ng Sta Maria na inorganisa ng 5th CMO Battalion sa ilalim ng 502nd Infantry Brigade, Philippine Army sa pakikipag-ugnayan sa TESDA Isabela at LGU Sta. Maria na dinaluhan na mahigit isang daan na miyembro ng Asosasyon ng Nagkakaisang Manggagawa ng Sta Maria o ANMAS at Asosasyon ng Magtutubo at Manggagawa ng Sta Maria o AMAS, sinabi ni Brigadier General Benavides na sila ay nalinlang lamang ng grupo ni Managuelod kayat nabuo noon ang kanilang dating grupo na UMA (Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura) at DAGAMI (Danggayan Dagiti Mannalon).
Ipinaliwanag ni BGen.Benavides na ang pag-oorganisa ng mga organisasyon ni Managuelod kasama ang iba pang indibidwal ay isa nila itong hakbang para sa kanilang propaganda na kalauna’y pasasampahin na sa armadong pakikibaka ang mga miyembro.
Kasabay nito, sinunog ng mga dumalong dating miyembro ng UMA ang bandila ng CPP-NPA-NDF bilang pagpapakita na ayaw nila sa teroristang grupo at pagtalikod sa grupong UMA.
Nagpapasalamat naman ang naturang opisyal sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno gaya ng DSWD, TESDA, at LGU sa patuloy na pagbibigay ng tulong sa mga narekrut sa binuong samahan ng mga NPA.
Sa pamamagitan aniya ng whole of nation approach ay nabawi ang mga ordinaryong mamamayan mula sa ibang hangarin ng mga taong konektado sa makakaliwang grupo.
Samantala, naglabas naman ng hinanakit ang dating kasapi ng UMA na si Joseph Jose, representative ng AMAS ng Brgy. Calamagui, Sta. Maria dahil sa naging epekto ng kanilang pagsama sa binuong organisasyon ni Managuelod na kung saan iginiit ni Jose na siya at ng mga kasamahan ay hindi NPA.
Sa naturang pagtitipon ng mga AMAS at ANMAS members, nag-abot ng tulong ang DSWD habang ibinahagi naman ng TESDA Isabela ang kanilang mga programa na ipagkakaloob sa mga dating miyembro ng UMA tulad ng livelihood training at scholarship para naman sa kanilang mga anak.