
Inaasahang uungkatin ng House Prosecution kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte ang patungkol sa GenCorp Industries Inc. na nakalista sa Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Trial Spokesperson at Lanao Del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, ito ang pangunahing dahilan kaya hiniling nila sa impeachment court na ipa-subpoena si Mayor Baste para humarap sa impeachment trial bilang hostile witness.
Tinukoy ni Adiong ang report na nakatanggap ang Gencorp ng ₱14.32 million na halaga ng transaksyon mula sa Davao City government sa mga taong 2022 hanggang 2025 bukod sa ₱696,829 na mula naman sa PhilHealth regional office sa Davao.
Binanggit ni Adiong na ang naturang mga transaksyon ay nangyari sa panahon nakapwesto si VP Sara at Mayor Baste.
Binanggit ni Adiong na inaasahang magbibigay din ng dagdag na detalye patungkol sa Gencorp si Securities and Exchange Commission – Company Registration and Monitoring Department director Gerardo del Rosario.
Ang pagpresenta kay Mayor Baste sa impeachment trial ay bahagi ng pagtalakay ng prosecution sa ikalawang article of impeachment patungkol sa unexplained wealth ni VP Duterte.










