Nais ng bansang Germany na magkaroon ng kasunduan sa Pilipinas pagdating sa usapin ng seguridad at depensa.
Sa courtesy call kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi ni German Federal Defense Minister Boris Pistorius na ito ay dahil nais nilang mapanatili ang seguridad at stability sa rehiyon para lumago pa ang economic activities.
Ayon pa sa German minister, ang seguridad kasi ng isang rehiyon ay makakaapekto sa iba pang rehiyon kung kaya’t dapat na ipagpatuloy ng Pilipinas at Germany ang pagtindig at pagtaguyod sa rules-based international order.
Dahil dito, bubuo aniya ng draft ng security agreement ang Germany at target nila itong selyuhan kasama ang Pilipinas bago matapos ang taon.
Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos sa Germany para sa patuloy na pagsuporta nito sa rules-based international law na pinanghahawakan ng Pilipinas sa gitna ng isyu sa West Philippine Sea.