Kinasuhan ng Office the Ombudsman sa Sandiganbayan ang actor-turned-politician na si Quezon City Councilor Roderick Paulate.
Reklamong katiwalian, multiple counts of falsification ang kinahaharap ni Paulate dahil sa umano’y 30 ghost employees nito noong 2010.
Bukod sa kanya, kinasuhan din ang liaison officer niya na si Vicente Esquilon Bajamunde.
Batay sa reklamo, nagsabwatan ang dalawa para sa gawa-gawang mga empleyado para sa personal nilang interes.
Pinagawa umano ni Paulate ang kanyang chief of staff ng mga personal data sheets at pekeng job orders na pinirmahan naman niya bilang recommending authority.
Sa kabuuan, umabot sa 1.1-milyong piso ang nakolektang pera ng dalawa bilang pasahod sa 30 ghost employees.
Nagrekomenda naman ang Ombudsman ng P246,000 na piyansa kay Paulate at P222,000 kay Bajamunde para sa pansamantala nilang kalayaan.