*C**aauayan City, Isabela* – Tila ang Ginang mismo ang naghatid sa kanyang sarili sa kulungan para maksama ang amang dati ay dinadalaw lamang. Ito’y matapos siyang arestuhin ng mga pulis sa mismong araw ng pagdalaw sa kulungan.
Nakatakda nang sampahan ng kaso ang isang ginang na itinago sa alyas na Lita. Batay sa pahayag ni PSSg Malvar Ferrer, imbestigador ng Bayombong Police Station, dati nang dumadalaw si alyas Lita sa amang nakakulong sa Nueva Vizcaya Provincial Jail. Sa kanyang muling pagbisita ay nakapkap sa kanya ang isang bala ng M79 na ginagamit ding bala ng M203 granade launcher na itinuturing na isang explosives.
Batay naman sa naging testimonya ni Lita, ang kanyang dalang bala ay gamit niyang pangontra sa mga mangkukulam. Hindi niya umano alam na may batas na nagbabawal sa pagdadala ng bala ng baril.
Sa kabila ng kanyang pagtanggi na hindi gagamitin sa masama ang dalang bala ay desidido ang kapulisan ng Bayombong, Nueva Vizcaya na sampahan siya ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.