Ginang na Inabutan ng Panganganak sa Tricycle, Sinagip ng isang Police Nurse

Cauayan City, Isabela- “PULIS LANG ANG SAKALAM.”

Ito ang pinatunayan ni PCpl. Jefferson Gannaban ng Cauayan City Police Station matapos nitong tulungan ang isang Ginang na inabutan na ng panganganak sa daan sa bahagi ng Don Jose Canciller Road sa Cauayan City, Isabela.

Taliwas sa nakaugaliang pagkakakilala sa mga pulis na pang-giyera, pinatunayan na sila rin ay tagapagsagip ng buhay.


Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCpl. Gannaban, pasado alas-6:00 kaninang umaga habang nakaduty sa post sa bahagi ng cabatuan road ay isang lalaki ang lumapit sa kanya at sinabing may isang Ginang ang inabutan ng panganganak.

Hindi na aniya ito nagdalawang isip pa na tulungan ang Ginang para iligtas maging ang sanggol sa kanyang sinapupunan.

Kwento niya, nakalabas na ang sanggol sa tiyan ng Ginang kung kaya’t tiniyak pa rin nito ang kaligtasan at siguraduhin na nasa maayos na sitwasyon ang mag-ina.

Nangamba rin ang pulis dahil hindi pa umiiyak ang bata na senyales umano na ligtas at buhay ang sanggol hanggang sa umiyak na rin ito.

Ayon pa sa kanya, hindi na nito naisip ang posibleng banta ng COVID-19 sa sitwasyon ng mag-ina na hinang-hina na rin dahil sa kalagayan.

Rumesponde na rin ang rescue 922 sa lugar at isang healthy baby Girl ang isinilang.

Isang karangalan naman para kay Gannaban ang makatulong dahil na-practice umano niya ang kanyang kurso bilang registered nurse.

Si PCpl. Gannaban ay nagtapos sa University of Perpetual Help System (UPHS) Manila at residente ng Barangay Cabaruan, Cauayan City.

Facebook Comments