Tinawag na kayabangan ng isang kongresista ang ginawa ng Philippine Athletic Track and Field Association (PATAFA) laban kay world number 3 Pole Vaulter at Pinoy Olympian EJ Obiena.
Binitawan na kasi ng PATAFA si Obiena sa Philippine Team at sasampahan pa ito ng kasong estafa.
Ayon kay Manila Rep. Rolando Veleriano, gusto lamang ipamukha ng mga miyembro ng PATAFA na kaya nilang gawin anuman ang gusto nila kahit pa makakasama ito sa kapakanan ng Philippine sports.
Pagbibigay diin pa ng kinatawan, wala namang ebidensya ang ibinabatong paratang kay Obiena na hindi nito nabayaran ang kaniyang coach.
Katunayan, sa isang pirmadong salaysay, mismong ang coach ni Obiena na si Vitaly Petrov ang nagsabi na nabayaran na siya ng buo ng atleta.
Sa isinagawang pagdinig din sa Kamara kaugnay sa isyu, nanindigan si Obiena na bayad na siya sa kanyang coach at nagtataka siya kung bakit siya ang sumasalo ng nasabing bayarin.