‘Glee’ actress Naya Rivera, kumpirmadong patay na

(Naya Rivera Instagram)

CALIFORNIA, US – Matapos ang halos isang linggong paghahanap, natagpuan na nitong Lunes ang labi ng 33-anyos “Glee” actress na si Naya Rivera habang palutang-lutang sa Lake Piru kung saan siya nawala.

Narekober ang katawan ni Rivera na kumpirmadong nalunod ayon sa pahayag ni Ventura County Sheriff Bill Ayub sa isang press conference.

Aniya, naniniwala silang ang aktres ang nakita dahil sa lokasyon, itsura, kasuotan at kondisyon ng katawan nito.


Idinala na sa medical examiner’s office ang labi ni Rivera para isagawa ang full autopsy sa kanyang bangkay.

Maalalang kamakailan lang nang maiulat na nawawala ang aktres matapos makitang nag-iisa sa bangka sa Lake Piru, California ang kanyang 4-anyos na anak.

(BASAHIN: ‘Glee’ star Naya Rivera, nawawala matapos umanong lumangoy sa lawa kasama ang anak)

Kwento raw nito sa imbestigador, dinala siya ng ina sa bangka at makalipas lang ang ilang sandali ay bigla raw itong naglaho.

Nagsagawa ng search operations simula noong Miyerkules ng hapon sa tulong ng dive team, patrol boats at helicopters para hanapin ang aktres– kaya pansamantala itong isinara.

Saad ni Ayub, “The idea perhaps being that the boat started drifting — it was unanchored — and that she mustered enough energy to get her son back onto the boat, but not enough to save herself.”

Naniniwala rin silang naitago ang aktres sa ilalim ng tubig dahil sa mga palumpong sa lawa bago ito tuluyang lumutang dahil na rin sa natural decomposition ng kanyang katawan.

Samantala, wala namang ebidensyang may foul play o suicide sa pagkamatay ng aktres.

Nakilala si Rivera sa kanyang karakter bilang Santana Lopez sa comedy-drama series na “Glee”.

Naiulat din na narekober ang bangkay nito kaparehong araw na ginugunita ang seventh anniversary ng pagpanaw ng kanyang “Glee” co-star na si Cory Monteith.

Facebook Comments