Hinimok ni Ways and Means Chairman Joey Salceda ang pamahalaan na maglatag na ng timeline at magkaroon na ng plano sa roll-out ng COVID-19 vaccine.
Ang panawagan ng kongresista ay kasunod ng balitang naglipana na sa bansa ang mga hindi otorisado at pekeng bakuna laban sa COVID-19.
Iginiit ni Salceda na magkaroon na ng timeline at plano para sa procurement, distribution, at roll-out sa COVID-19 vaccine upang maalis ang kalituhan ng publiko.
Mahalaga rin aniya ang pagkakaroon ng timeline upang matulungan din ang mga Local Government Units (LGUs) at private sector na maitugma ang kanilang plano sa hakbang ng gobyerno.
Ngayon pa lamang aniya ay dapat nililinaw na ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., sa publiko kung ilan na ang nabiling bakuna, ilan pa ang kulang, ano ang available vaccine, kailan darating ang iba pang suplay at kung sino ang ipaprayoridad sa programa.
Sinabi pa ni Salceda na kung mayroong legitimate information para sa COVID-19 vaccine ay tiyak na malalabanan nito ang black market at maiiwasan ang kalituhan ng mamamayan.