Gobyerno, pinaghihinay-hinay sa sobrang pag-import ng bigas sa ilalim ng Rice Tariffication Law

Sa harap ng pag-roll out na ngayong araw ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Rice Tariffication Law, iginiit ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos na maghinay-hinay ang gobyerno sa pag-aangkat ng sangkatutak na bigas.

Ayon kay Marcos, nasa pitong porsyento o katumbas lamang ng mahigit isang milyong metriko tonelada lamang ang pangangailangan ng imported na bigas sa bansa.

Aniya, ang sampung milyong metric tons na buffer stock ay kaya naman i-supply ng mga local farmers.


Mungkahi ni Marcos, dapat huwag isabay sa pangalawang yugto ng anihan ang gagawing importasyon ng bigas para hindi madehado ang mga lokal na magsasaka.

Nangangamba ang gobernadora na matulad sa kaso ng mga bulok na gulay ang sitwasyon kapag sinobrahan ang suplay ng imported na pagkain sa bansa.

Maliban aniya sa Rice Tariffication, dapat din na paghandaan ng gobyerno ang magiging epekto ng El Niño phenomenon sa sektor ng agrikultura.

Facebook Comments