Gobyerno, pinalilinis mula sa mga miyembro ng makakaliwang grupo

Manila, Philippines – Hinimok ni Magdalo Rep. Gary Alejano na linisin ang hanay ng burukrasya sa mga miyembro ng CPP-NPA-NDF.

Ito ay matapos suspindihin ng gobyerno ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front.

Ayon kay Alejano, mabuting linisin na ang burukrasya sa mga CPP-NPA-NDF upang hindi malagay sa alanganing sitwasyon ang seguridad ng bansa.


Sinuportahan din ng mambabatas ang ginawa ng pamahalaan na pagsuspinde sa GRP-NDF peace talks dahil patuloy pa rin ang mga pag-atake ng NPA sa kabila ng pagsisikap ng gobyernong resolbahin ang matagal ng problema sa insurgency.

Maliban sa mga pag-atake, inamin din ni CPP founder Joma Sison na walang kontrol ang NDF sa kung anong gustong gawin ng NPA.

Ipinagutos din ng CPP na kumilos at umatake sa pamahalaan kasabay ng pagdedeklara ng martial law.

Babala ni Alejano, hanggat walang malinaw na kasunduan ay asahan na palaging gagawa ng gulo ang CPP-NPA-NDF.

DZXL558, Conde Batac

Facebook Comments