Gordon sa insidente sa Recto Bank: Huwag pilitin magsalita pa ang presidente

Nagpahayag si Senator Richard Gordon na hindi na dapat pang pilitin si Pangulong Rodrigo Duterte, maging ang iba pang opisyal na magsalita pa ukol sa pagbangga ng Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pilipino sa Recto Bank sa West Philippine Sea.

“Do not force the President to talk more. The President can’t be tied to a corner dahil kung iba ang lalabas sa investigation at taliwas iyon sa sinabi niya, hindi na niya mababawi,” paliwanag ng senador.

Ayon pa kay Gordon, naniniwala siyang mayroong isinasagawang aksyon ang pangulo sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), patunay ang inihaing diplomatic protest.


Dapat na rin aniya umiwas ang ibang opisyal ng gobyerno na hindi parte ng negosasyon sa pagbibigay ng komento tungkol sa insidente.

Payo niya, ipaubaya na lang ang paglalabas ng mga pahayag sa DFA, Department of National Defense (DND) o kaya’y sa Office of Solicitor General (OSG).

Paliwanag ni Gordon, malalagay lang sa alanganin ang bansa kung hindi magtutugma ang mga pahayag mula sa iba’t-ibang opisyal.

May ilang pumuna na tikom umano ang bibig ng pangulo sa isyu na itinanggi naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Kinumpirma ng embahada ng China na kanila ang bumangga sa FB GEM-VER na lulan ang 22 mangingisdang Pilipino nitong Hunyo 9.

Facebook Comments