Cauayan City, Isabela- Target na inspeksyunin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang lahat ng mga warehouse sa probinsya na layong matiyak ang sitwasyon ng mga ito sa kabila ng pagkadiskubre sa pagawaan ng pekeng sigarilyo sa Brgy. Palattao, Naguilian, Isabela.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Gov. Rodito Albano III, inihayag niya na makikipag-ugnayan sila sa mga may-ari ng warehouse para sa gagawing inspeksyon at manatili ang magandang ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at mga nasa likod ng malalaking investor.
Hiniling din ni Albano sa mga may-ari na payagan ang inspection team na magsagawa ng obserbasyon para matiyak na walang iligal na gawain ang mananatili sa probinsya.
Nakipag-ugnayan na rin ang opisyal sa tanggapan ni Finance Secretary Carlos Dominguez at DILG Sec. Eduardo Año hinggil sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga Chinese National.
Kaugnay nito, hiniling ni Albano sa lahat ng mga alkalde sa probinsya na bago bigyan ng permit sa pagnenegosyo ay alamin muna kung lehitimo ang pagsasagawa ng kanilang sa lalawigan.
Iminungkahi pa ng gobernador na sampahan ng kasong Economic Sabotage at Human Smuggling.