Manila, Philippines – Humingi ng paumanhin si Gov. Imee Marcos kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas matapos na ideklara itong persona non-grata ng Sangguniang Panlalawigan ng Ilocos Norte dahil ikinulong nito sa Batasan Complex ang Ilocos 6.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, nag-sorry si Gov. Imee kay Fariñas dahil inaprubahan nito ang resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan.
Humarap din ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Ilocos Norte at personal na humingi ng paumanhin Kay Fariñas.
Tinanggap naman ni Fariñas ang sorry sa huli.
Samantala, kinumpirma ng supplier ng sasakyan na kinuhaan ng Ilocos Norte na overpriced ang mga sasakyan na binili ng lokal na pamahalaan.
Humarap sa pagdinig si Fabian Go, ang Presidente ng Granstar na supplier ng mga sasakyan.
Ayon kay Go, overpriced ng mahigit 21 million pesos ang biniling 110 sasakyan ng Ilocos Norte sa Granstar gamit ang pondo mula sa tobacco excise tax.
Sinabi ni Go, 270,000 pesos lamang ang benta ng Granstar sa bawat isang unit ng kanilang sasakyan pero base sa mga dokumentong nakuha ni Fariñas nasa 465,000 ang bili ng Ilocos Norte sa bawat sasakyan.