Simula sa Agosto ay sasagutin na ng GrabFood ang advance payment sa mga pagkain na order ng mga customer.
Sa virtual hearing ng House Committee on Trade and Industry, sinabi ni Grab Spokesperson Atty. Nicka Hosaka na may bago silang model na i-ro-roll out sa mga susunod na buwan kung saan ang kompanya na muna ang mag-aabono sa mga order ng mga customer at hindi na kailangang mag-advance payment ng mga rider sa inorder na pagkain.
Kapag nasimulan na ang bagong model ng delivery sa GrabFood ay hindi na kakailanganing magdala ng cash ng partner-rider at pagdating sa restaurant ay kukunin na lamang nito ang order diretso sa destinasyon ng customer.
Ang cash naman na makokolekta ng partner-rider mula sa customer ay ma-de-debit sa kanyang “driver wallet”.
Sakali namang magkaroon ng “no-show incident” o lokohin ang rider ng umorder na customer at hindi ito bayaran, hindi naman ito ibabawas sa kanilang “driver wallet” dahil direkta nang na-i-charge sa kompanya ang ‘cancelled orders’ sa halip na dumaan pa sa proseso ng reimbursement.
Naniniwala ang kompanya na sa ganitong paraan ay mababawasan ang mga biglang kanselasyon sa orders at iba pang pang-aabuso ng mga bogus buyer/customer.