Gradweyt pero ‘di makapagtrabaho? Pwede kayo sa MSMEs—Ping

Para matulungan ang mga bagong nagtapos sa kolehiyo na makahanap ng trabaho, nararapat na maging mabilis, madali, at komprehensibo ang tulong ng pamahalaan sa sektor ng micro, small, medium enterprises (MSME).

Ayon kay presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson, kung siya ang mananalo bilang susunod na pangulo ngayong Halalan 2022, ito ang agad niyang bibigyang prayoridad para ang lahat ng mga manggagawa—maging mga fresh graduate—ay makasama sa pag-unlad ng ating ekonomiya.

“Dapat i-relax ng gobyerno kung talagang gustong tulungan, luwagan, ‘yung ayudang ibibigay sa mga nagsarang MSMEs. Nang sa ganoon, makabalik ‘yung mga nawalan ng trabaho at ‘yung naghahanap ng trabaho na bago pa lang magtatrabaho, mabibigyan ng pagkakataon dahil nabuhay uli ang ating economy,” sabi ni Lacson.


Natalakay ito ng batikang lingkod-bayan sa kanyang town hall meeting sa Nasugbu, Batangas nitong Martes (Mayo 3) nang tanungin ng fresh graduate na si Mateo Dela Cruz ang plano ng administrasyong Lacson para sa mga tulad niyang nahihirapan na makapasok sa trabaho.

Dagdag pa ni Dela Cruz, marami rin umano sa mga kompanya—maliliit man o malalaking negosyo—ang humihingi ng mabibigat na requirement at work experience na hindi pa naaabot ng mga fresh graduate kaya nahihirapan silang makahanap ng trabaho.

Una nang kinumbinsi ni Lacson ang gobyerno na payagan nang tanggapin ang lahat ng uri ng aplikante, lalo na ang mga bagong nagtapos sa kolehiyo na mayroon namang kakayahan para gampanan ang ilang tungkulin pero wala pang lisensya o hindi pa civil service eligible.

Sa kanyang public forum nitong Marso sa Camarines Norte, sinabi ni Lacson na hindi dapat na ipagkait sa mga may kakayahang indibidwal ang pagkakataon na magkaroon ng trabaho, lalo ngayong napakaraming nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagsasara ng mga negosyo dulot ng pandemya.

Binanggit din ni Lacson sa fresh graduate na dumalo sa kanilang pulong-bayan ang P2-bilyong alokasyon ng Department of Trade and Industry (DTI) bukod pa sa P2-bilyon pondo ng Land Bank of the Philippines para makatulong sa mga MSME.

“‘Yung mga nagsarang MSMEs pwedeng magkaroon ng oportunidad para bumangon, maski maliit na negosyo. Ang problema ito na naman, implementation. Katakut-takot na requirements na parang ayaw magpautang. Mayroon pang another P2-billion na nakalagak naman sa Land Bank… Ang problema na naman, halos pahirapan sa dami ng regulasyon, overregulated po,” sabi ni Lacson.

Binigyang-diin ni Lacson na sa kanyang magiging administrasyon, mas maipapaabot sa taumbayan ang mga programang ito para maging maayos ang buhay ng lahat ng mga Pilipino. Maisasagawa umano ito kung magkakaroon din ng maayos na implementasyon ang gobyerno.

“Implementation is key. Nandiyan ang batas, ipinasa na namin ng Kongreso pero ang implementation lacking, wanting. So, ‘yon, kami limitado kasi legislators—tagagawa lang kami ng batas, pero wala kaming implementing authority. So, kapag kami po ay naluklok, sisiguraduhin po namin ‘yung mga batas na aming ipinasa maiimplementa nang maayos,” pagtatapos ni Lacson.

Facebook Comments