Cauayan City, Isabela – Tumagal ng halos tatlong oras kagabi ang naganap na grass fire partikular sa runway ng Cauayan City Domestic Airport sa San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Ayon kay Fire Officer 1 Francis Decena ng BFP Cauayan City, hindi kaagad naapula ang sunog dahil sa malawak umano ang kinain ng apoy na dala rin ng malakas na hangin kagabi.
Sinabi pa ni FO1 Decena na kanlurang bahagi ng paliparan ang pinagsimulan ng apoy kung saan hanggang sa ngayon ay wala pa umanong makita na naging sanhi ng grass fire.
Wala namang nadamay o nasaktan sa nangyaring sunog ngunit ipagpapatuloy parin umano ng BFP Cauayan City ang imbestigasyon dahil sa maaring sinadya ang naganap na grass fire.
Pahayag pa ni FO1 Decena na tumulong umano sa pag-apula ng apoy ang Rescue 922 at iba pang back-up na firetrucks sa lungsod ng Cauayan.