Cauayan City, Isabela- Wagi sa ‘Kwentong Bayanihan sa Lungsod ng Santiago’ ang grupo na kumakatawan sa ‘Barangay na Responsable at Organisado (BRO) na binubuo ng ilang residente ng Purok 3, Barangay Mabini, Santiago City, Isabela.
Ayon kay Kagawad Joseph Cortez, laking pasasalamat nito sa lubos na nagtiwala sa kanyang kakayahan upang pamunuan ang nasabing grupo at mamayagpag ang kaliwa’t kanang papuri mula sa mga netizen.
Giit ng opisyal, hindi maisasakatuparan ang lahat ng proyekto na kanyang naumpisahan kung hindi dahil sa bayanihan ng mga taong boluntaryong tumulong sa kanya para sa kapakinabangan ng mga higit na nangangailangan.
Batid nito ang hirap at sakripisyo ng isang tulad niyang frontliner upang harapin ang sitwasyon kahit na alam niya na banta para sa kanya ring kalusugan ang dulot ng pandemya.
Sa pagkakapanalo ng grupo, ilalaan ang halagang P30,000 bilang second place prize sa iba pang mga proyekto na higit na babalangkas sa mga nangangailangan.
Kwento pa niya, hindi ang kahit anumang grupo o indibidwal ang kalaban kundi ng virus na dahilan ng pagkamatay ng nakararaming Pilipino sa bansa.
Hindi man hinirang na kampeonado sa nasabing kompetisyon ay laking tuwa naman nito ang mapabilang sa ganitong aktibidad at kanya ring ipinagpapasalamat ang kwentong nabuo sa tunay na bayanihan.