Cauayan City, Isabela- Namahagi ng food packs ang isang grupo o mas kilala bilang One Travel-together (OTtogether) sa higit 100 pamilya na apektado ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Barangay Nagsabaran, Claveria, Cagayan.
Ayon kay Ceazar Jay Leutorio, isa sa mga miyembro ng grupo, nagdesisyon ang kaniyang grupo na mag-travel sa mismong bayan ng Claveria upang personal na diskubrehin ang iba pang natatanging turismo sa lugar na hindi pa nakikita ng iba hanggang sa naisip nilang tumulong sa mga apektado ng pag-uulan.
Ikinuwento pa niya na muling nabuo ang kanilang samahan bago pa man ideklara ng pamahalaan ang pagsasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa malaking bahagi ng bansa noong buwan ng Marso.
Matatandaang sa nakalipas na mga araw ay lubos na napinsala ang malaking bahagi ng Claveria dahil sa malawakang pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng naranasang malakas na buhos ng ulan.
Bukod dito, tumulong na rin ang 10th ‘Kapayapaan’ Marine Battalion Landing Team sa paggamit ng sasakyan lalo pa’t baha at maputik ang ilang lugar na posibleng daanan bago makarating sa nasabing barangay.
Hinimok naman ng grupo ang ilang indibidwal na nais tumulong at maging bahagi ng kanilang patuloy na paghahatid ng serbisyo-publiko.
Narito ang ilang bank accounts para sa donasyon:
(BPI: 8549 3561 42 Angelica A. Cadaoas); (BDO: 0051 9039 5767 Kyna Eds D. Andres) ;(GCash: 0965-677-5205 Ceazar Jay Leutorio); (LBP: 2517 1304 20 Karla Cassandra Neyra)