Grupo ng magsasaka, humirit ng P20 per kilo na floor price kay PBBM

Humirit ng ₱20 per kilo na floor price sa bagong aning palay kay Pangulong Ferdinand “Bongbong “ Marcos ang grupong Nagkakaisang Magsasakang Novo Ecijano o NAMANE kung saan umabot sa 15 libong magsasaka ang pumirma sa petisyong kinalap ng nasabing grupo.

Ayon sa tagapagsalita ng NAMANE na si Crisostomo Marzan, lugi sila sa presyong 10-12 pesos kada kilo na kasalukuyang halaga ng palay mula sa aktwal na gastos nila na 14 pesos kada kilo.

Dagdag pa niya, ang gastos sa binhi, pataba, pestisida at gasolina ang nagbabaon sa kanila sa pagkakautang.

Isa pa sa isiniwalat ng grupo ang walang kakayanan ng mga malilit na magsasaka na magpatuyo sa mga pasilidad at sa trak na magdadala sa tanggapan ng National Food Authority.

Ayon pa sa kanila, hindi na talaga nila kakayanin ang ganitong kalagayan at ang ₱20 na floor price ay katanggap-tanggap na presyo para mabuhay ang mga magsasaka.

Nagbabala naman ang grupo na kung magpapatuloy ang pagpapabaya sa mga magsasaka, ang agrikultura ng bansa ay tuluyang mawawasak.

Facebook Comments