Umabot sa humigit kumulang isang libong mga magsasaka mula Cordillera ang natipon tipon sa lungsod ng Santiago ngayong araw para ipanawagan ang kanilang karaingan sa mababang presyo ng palay sa lalawigan.
Ayon kay Fr. Mario Madamon ng Episcopal Church, bagamat pinangunahan ng migrant farmers nula Cordillera ang pagtitipon ay kasama din ang lahat ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang lalawigan sa region two, lalo na ang mga sinasabi nilang apektado ng Rice Tariffication Law.
Ayon pa kay Fr. Madamon, labis na umaaray ang mga maliliit na magsasaka sa napakababang presyo ng palay. Pinasinungalingan ng mga ito ang sinasabi ng lokal na pamahalaan ng lalawigan na nabibili ang produkto ng mga magsasaka mula 15 hanggang 20 piso kada kilo.
Nagsimula ang pagtitipon dakong alas 6:30 ng umaga sa Four Lanes, Santiago. Nagmartsa ang grupo patungong Batal sa naturang lungsod. Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng ritwal na dasal sa tinatawag nilang kabunyan, ang kanilang kinikilalang diyos. Dagdag pa ni Fr. Madamon, dasal nila kay kabunyan na sana hipuin nito ang puso ng mga nasa pamahalaan pakinggan ang karaingan ng mga magsasaka.
Personal na inimbitahan ng grupo sina Isabela Governor Rodito Albano at Vice Governor Bogie Dy. Layunin din ng grupo na ilapag sa pamahalaan ang pirmadong petisyon ng mga magsasaka para mapawalang bisa ang Rice Tariffication Law.