Nakaabang na rin ang grupo ng mga magsasaka sa sasabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) mamayang hapon.
Ayon kay Rosendo So, pinuno ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), inaasahan nilang ilalatag ng pangulo sa kanyang SONA ang mas malinaw na plano kung paano nito mapapataas ang lokal na produksyon ng pagkain sa bansa na siyang prayoridad ng kanyang administrasyon.
Kumpiyansa ang grupo na muling lalago ang local production sa bansa basta’t maglalaan ang gobyerno ng malaking budget para sa Department of Agriculture.
Pero ayon kay So, posibleng abutin pa ito ng dalawa hanggang tatlong taon.
“Alam nating mahirap na habulin dahil marami ang na-discourage na ating mga local producers, yung iba nag-import na lang dahil doon sa direksyon ng government, so, hindi ganon kabilis na babalik ‘no pero hopeful tayo na yung mga local industry, babalik dun sa local production natin,” ani So.
“Of course, malaking challenge ‘yan, wag siyang [Pangulong Marcos] biglang bibitiw ‘dun sa agriculture. Hindi ganon kabilis na aayusin kasi yung corruption nandyan… Pero sa tingin naman natin kaya,” dagdag niya.
Kabilang sa idinadaing ng mga magsasaka ngayon ay ang mataas na presyo ng abono at petrolyo; nagpapatuloy na importasyon; smuggling; gayundin ang patuloy na pagkalat ng african swine fever at bird flu.