Grupo ng mga senior citizen, nag-rally sa harap ng Senado para ipapanawagan ang pag-apruba sa universal social pension sa lahat ng mga matatanda sa bansa

Nagkilos-protesta sa harap ng Senado ang samahan ng mga nagkakaisang senior citizens para ipapanawagan sa Senado ang agarang pag-apruba sa panukalang universal social pension para sa lahat ng mga senior citizen sa bansa.

Iba’t ibang organisasyon ng mga senior citizen ang nagtipon-tipon sa labas ng Senado at kinalampag ang mga senador na pagtibayin na rin ang counterpart bill na layong bigyan ng P1,000 social pension ang lahat ng mga senior citizen sa buong bansa.

Pakiusap ng grupo ng mga senior na ipasa na rin ang panukala bago matapos ang 19th Congress lalo’t umaaray na rin sila sa taas-presyo ng mga bilihin.

Iginiit pa ng grupo na matapos makapasa sa Kamara, walong buwan namang natutulog sa Senado ang counterpart bill na inihain ni Senator Risa Hontiveros at kung hindi ito maihahabol na maipasa ngayong Pebrero 7 bago ang kampanya ng mga tatakbo sa halalan ay balik nanaman sila sa simula at panibagong paghahain ulit pagsapit ng 20th Congress sa Hulyo.

Anila, ang universal social pension para sa lahat ng senior citizens ay malaking bagay para sa lahat ng mga matatanda sa bansa at makakatulong ito para pambili ng gamot, pagkain at pagpapa-checkup.

Facebook Comments